SA gitna ng pananalasa ng bagyo, hindi pinahintulutan ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang paglipad ng mga eroplano mula at patungo sa mga paliparan sa Bicol region.
Sa isang kalatas, sinuspinde ng CAAP ang operasyon ng pitong paliparan sa Bicol Region bilang tugon sa epekto ng super typhoon Uwan.
Kabilang sa mga pansamantalang tigil-operasyon ang Bicol International Airport sa Daraga, Albay, Naga Airport sa Camarines Sur, Virac Airport sa Catanduanes, Masbate Airport sa Masbate, Daet Airport sa Camarines Norte, at Bulan at Bacon Airports sa Sorsogon.
Sa ilalim ng direktiba, suspendido ang paglipad at paglapag ng eroplano mula alas 4:00 ng umaga hanggang alas 8:00 ng gabi. Gayunpaman, nilinaw na CAAP na posible palawigin ang tigil-operasyon depende sa lagay ng panahon.
Panawagan ng ahensya sa mga pasahero, makipag-ugnayan sa airline company para sa update sa flight schedules, rebooking, at iba pang impormasyon sa byahe.
Tiniyak naman ng pamunuan ng mga paliparan na magbibigay ng pagkain at tulong sa mga stranded na pasahero hanggang sa muling makapag-operate nang ligtas ang mga paliparan.
