
KUNG pagbabatayan ang malawakang operasyon ng mga ilegal na sugalan sa bayan ng Taytay sa lalawigan ng Rizal, tila walang dating sa lokal na pulisya ang direktiba ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Benjamin Acorda.
Batay sa sumbong ng mga residente ng naturang bayan, kabi-kabila di umano ang operasyon ng mga sugal-lupa sa limang barangay ng lokalidad na kilalang Garments Capital of the Philippines.
Bilang patunay ng alegasyon, nagpadala rin ang mga nagrereklamong residente ng mga larawang patunay ng aktibong operasyon ng walong peryahan kung saan di umano lantaran ang operasyon ng ilegal na pasugalang libo-libo ang pustahan.
Sa isang social media post, dalawang pangalan ang tinukoy na di umano’y kasador ng pasugalan – Errol Medina at Warren Andres na anila’y kapwa malapit na kaibigan at tauhan sa lokal na pamahalaan.
Kasabay ng patutsada sa lokal na pamahalaan, nagpakawala rin ng batikos laban sa lokal na pulisyang anila’y nagbubulag-bulagan sa garapalang operasyon ng mga peryahang dinarayo ng mga kabataan.
“…nakakabahala dahil sa kabi-kabilang mga reklamo at sumbong ng mga concerned citizens ukol sa mga illegal na pasugalan sa Taytay, tila parang wala tayong nakikita na aksyon sa Taytay PNP.”
Kabilang sa mga tinukoy na operator ng ilegal na sugalan sa limang barangay ng Taytay sina alyas Tata Wood sa Floodway, alyas Berting Labra ng Tikling, alyas Troy Montero ng Palmera sa Barangay San Isidro, alyas Neneng B at Tessie ng Sitio Malabon sa Barangay San Juan na pawang ‘nakatimbre’ sa lokal na pulisya.
“Walang takot yang sina Montero, Neneng B, Berting at Tata Wood. Malakas daw sila sa Calabarzon PNP,” sambit ng isang impormante.
Samantala, muling kinalampag ng mga magulang ng mga kabataang nalululong sa pagsusugal si Konsehal Patrick Alcantara na may akda ng ordinansa kontra sugal-lupa.
Binawi ni Alcantara ang inihaing panukala matapos makipag pulong kay Taytay Mayor Allan de Leon.