
KALABOSO ang hantungan ng isang 23-anyos na nanay matapos mahuli sa aktong binebenta ang bagong silang na sanggol sa bayan ng San Roque sa Northern Samar.
Sa ulat ng Philippine National Police (PNP), nakatanggap ng impormasyon Women and Children Protection Center (WCPC) mula sa mga nagmamalasakit na netizens hinggil sa isang post sa Facebook kung saan inilalako ang sanggol na edad dalawang buwan sa halagang $1,000.
Agad naman nakipag-ugnayan ang mga pulis na nagkunwaring banyagang interesado bilhin ang bata.
Matapos magkasundo, ikinasa ang pagkikita sa Barangay Narra sa bayan ng Catarman kung saan agad na dinakip ang hindi pinangalanang ina ng sanggol.
Karay-karay pa di umano ng suspek ang dalawang anak na kapwa nasa ilalim na ng kustodiya ng San Roque Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO).
Kasong paglabag sa Republic Act 9208 (Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2022 at RA 7610 (Anti-Child Abuse Law) ang isasampa laban sa suspek.