Ni EDWIN MORENO
SA dami ng balang sinalo ng katawan, hindi na nagawa pang gumanti ng putok ng isang 35-anyos na police intelligence officer matapos ang pananambang ng hindi pa nakikilalang salarin sa General Santos City.
Sa paunang imbestigasyon, sakay ng motorsiklo si Corporal Ricky Gomez ng Carmen Police Station, nang tambangan ng mga kalalakihan armdo ng M16 assault rifles sa isang mataong bahagi ng national highway na sakop ng Barangay Sinawal ng nasabing lungsod.
Batay sa rekord ng pulisya, kabilang si Gomez sa mga PNP personnel na kasama ng 602nd Infantry Brigade ng Philippine Army sa pagtugis sa mga wanted na kriminal at mga miyembro ng Dawlah Islamiya at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).
Mabilis na tumakas ang mga salarin sakay ng mga motorsiklo. Kabilang sa sinisilip na motibo sa likod ng pamamaslang ang kanyang pagiging intelligence officer.
