Ni LILY REYES
NIYANIG ng isang magnitude 7.1 na lindol ang lalawigan ng Sultan Kudarat Huwebes ng umaga, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Sa datos ng Phivolcs, dakong alas 10:13 kaninang umaga nang maramdaman ng mga residente ang malakas na pagyanig na sinasabing “tectonic by origin.”
Sa pagsusuri ng ahensya, namataan ang sentro (epicenter) ng lindol na may lalim na 722 kilometro sa layong 133 kilometro ang layo sa timog-kanluran ng Palimbang, Sultan Kudarat.
Kabilang sa mga lugar kung saan naramdaman ang pag-ugoy ng lupa ang Davao Occidental, Davao Oriental, Sarangani, Davao de Oro, Davao del Norte, Cotabato, General Santos, Davao del Sur at Surigao del Sur.
Babala ng Phivolcs, posibleng magkaroon ng mas mahinang aftershocks. Isinantabi rin ng ahensya ang posibilidad ng tsunami.
Patuloy naman ang imbentaryo sa naidulot na pinsala at imbestigasyon naglalayong alamin ang bilang ng mga nasawi at nasaktan – kung meron man.
