
ISA sa anim na suspek na tinutugis ng Philippine National Police (PNP) kaugnay ng pananambang kamakailan kay Lanao del Sur Gov. Mamintal Adiong, ang napatay ng mga operatiba sa bayan ng Kalilangan sa Bukidnon.
Sa paunang ulat na natanggap ng Camp Crame, kilala ang pinaslang na suspek sa pangalang ‘Otin.’
Ayon kay Bangsamoro Autonomous Region for Muslim MIndanao (BARMM) regional commander Brig. Gen. John Guyguyon, may lima pang suspek ang tinutugis ng pulisya kaugnay ng pananambang nitong nakaraang Biyernes sa convoy ni Adiong. Apat na police security escorts ang nasawi sa nasabing insidente.
Kwento ng mga operatiba, nanlaban di umano ang suspek na armado ng kalibre .45 na kargado ng bala.
“The successful pursuit operation shows that the PNP will not tolerate lawlessness and will do everything in our power to ensure the safety and security of our people,” ayon sa pahayag ni PNP chief Gen. Rodolfo Azurin.
Samantala, isa sa mga sinisilip na motibo sa pananambang ang kalakalan ng droga.
“Base sa ongoing na investigation, meron na po kaming tinitingnan na isang , at ang subject po ay grupo sa, yun nga sa mga drug personalities,” wika ni Col. Robert Daculan sa isang panayam sa radyo.
Tumanggi si Daculan na magbigay ng iba pang detalye para hindi aniya madiskaril ang imbestigasyon.
“Sa ngayon nasa finalization stage kami ng collection ng mga affidavits ng mga nag-survive, mga first responders. Then sa operation regarding sa grupo na ito ay tuloy-tuloy po,” aniya.