BINALOT ng pagluluksa ang munisipalidad ng Dueñas sa lalawigan ng Iloilo matapos kumpirmahin ang pagpanaw ng bise-alkaldeng tinamaan ng bala mula sa sariling baril.
Sa Facebook post ni Dueñas Mayor Robert Pama, ibinahagi ng alkalde ang masaklap na pagpanaw ng tinawag niyang katuwang sa pamamahala.
“RIP sa pinalangga ko nga vice mayor,” wika ni Pama.
Sa ulat ng lokal na pulisya, kinilala ang biktima sa pangalang Aimee Paz Lamasan na nanunungkulan bilang vice-mayor ng munisipalidad ng Dueñas.
Ayon sa pulisya, nangyari ang aksidente sa bahay na pag-aari ng pamilya sa karatig-bayan ng La Paz.
Batay sa imbestigasyon, lumalabas na aksidenteng nakalabit ng lokal na opisyal ang baril habang nagliligpit ng gamit bilang paghahanda sa pagbiyahe pabalik sa bayan ng Dueñas.
Bagamat agad na nadala sa pagamutan, binawian ng buhay si Lamasan habang sumasailalim sa operasyon buinsod ng tama ng bala sa tiyan. (EDWIN MORENO)
