HINDI na nagawa pang isalba sa pagamutan ang buhay ng tatlong indibidwal matapos makalanghap ng nakalalasong kemikal na nakaimbak sa septic tank ng isang poultry farm sa Alubijid, Misamis Oriental.
Sa ulat ng lokal na pulisya, naganap ang insidente sa Barangay Sampatulog kung saan kabilang sa mga nasawi ang 26-anyos na farm manager, 43-taong gulang na farm worker at isang menor de edad na anak ng isa sa mga empleyado ng naturang establisyemento.
Ayon sa imbestigasyon, pumasok ang farm manager sa septic tank para kunin ang nahulog na gamit. Subalit pagpasok ng pozo negro, agad umanong nahilo ang unang biktima dahil sa nakakalasong amoy.
Dito na umano sinubukan sagipin ng manggagawa at menor-de-edad na anak na hindi na nagawa pang lumabas ng buhay bunsod ng suffocation. (EDWIN MORENO)
