PIHADONG biglang yaman kung sino man ngayon ang nag-iingat sa obra maestra ni national artist Fernando Amorsolo, matapos kumpirmahin ng isang lokal na opisyal ng Silay City sa Negros Occidental na pinasok ng magnanakaw ang isang pribadong museo sa naturang lungsod.
Panawagan ng lokal na pamahalaan sa publiko, agad na ipagbigay-alam ang kinaroroonan ng obra ni Amorsolo sakaling may matisod na impormasyon.
Partikular na tinukoy ni Silay City tourism officer Gerle Sulmaca ang Mango Harvesters painting na ninakaw sa Hofileña Museum kamakailan.
Batay sa imbestigasyon ng lokal na pulisya, dalawang tao ang target ng isang manhunt operation base sa kuha ng CCTV sa ikalawang palapag ng naturang museo.
Patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng lokal na himpilan ng pulisya sa mga karatig bayan at probinsya sa hangaring agad na mabawi ang obra maestra na iginuhit ni Amorsolo taong 1948.
Taong 2015 nang isubasta ang naturang painting sa halagang Hong Kong $562,500.
