Ni BERNARD TESTA
SA gitna ng kabi-kabilang karahasan, higit na angkop bigyan ng pagkakataon ang kapayapaan.
Ito ang mensahe ng Press Photographers of the Philippines (PPP) kasabay ng paanyaya sa mga mag-aaral dumalo sa photo exhibit na idaraos sa Marso 25, mula alas 10:00 ng umaga hanggang alas 2:00 ng hapon sa National Press Club (NPC) grounds sa Intramuros, Maynila.
Sa naturang exhibit na may titulong “Give Peace A Chance,” masisilayan ang mga litratong kuha ng mga beteranong photojournalist na nakasaksi sa aktwal na sagupaan sa pagitan ng mga rebelde at sundalo ng gobyerno mula taong 1969 hanggang sa kasalukuyan.
Layon ng exhibit imulat ang mga kabataan sa perwisyo ng karahasan gamit ang mga larawang sumasalamin sa walang saysay na hidwaan ng mga Pilipino laban sa kapwa Pilipino.
“The photo collection aims to depict the effects of the Philippines’ civil conflict, consisting of an insurgency pitting government forces against Maoist rebels that began in 1969 during the reign of late President Ferdinand E. Marcos persists till the current administration,” saad sa isang bahagi ng kalatas ng PPP.
“The photo exhibit encompasses less than 100 images depicting both military, rebel, and civilian perspectives, including the onset of the war, the conflict itself, the aftermath, people’s displacement, medical care, training and community integration, impressions, and more.”
Ibabahagi rin ng mga premyadong photojournalists ang kani-kanilang karanasan sa bawat destino patungo kung saan may gulo, hidwaan, sagupaan, kudeta at iba pa. Pasok din sa bibidang larawan ang mga tagpo sa mga lugar na nasalanta ng delubyo.
Nakatakda rin maglabas ng posisyon ang PPP kung bakit kailangan ihinto ang karahasan.
Kabilang sa inaasahang dadalo ang mga opisyales at kinatawan mula sa Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, Presidential Communications Office, Commission on Human Rights, Office of the Presidential Peace Adviser on Peace and Unity, at People’s Progressive Humanist Liberal Party (POLPhil).
Inaasahan din ang pakikiisa ng mga campus journalists mula sa University of Sto. Tomas at Polytechnic University of the Philippines.
