
PARA kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., napapanahon nang sabayan ng gobyerno ang mga mapagsamantalang negosyante sa likod ng kalakalan ng bigas — sa bisa ng deklarasyon ng Food Security Emergency na isinusulong ng Department of Agriculture.
Sa isang panayam kasabay ng pagdalaw ni Marcos sa Leyte para sa pamamahagi ng bahay sa mga biktima ng bagyong Yolanda 11 taon na ang nakaraan, sinang-ayunan ng Pangulo ang food security emergency para tiyakin ang sapat na supply ng bigas sa mga pamilihan.
Ayon sa Pangulo, hinihintay na lamang niya ang sipi ng rekomendasyon ng kagawaran, para simulan ang aniya’y tamang hakbang para tiyakin angkop ang presyo ng bigas sa merkado, kasabay ng pag-amin na hindi umubra ang mga nakalipas na mekanismong naglalayon tiyakin ang sapat at abot-kayang supply ng bigas.
Sa himig ni Marcos, pwersahan na aniya ang gagawin ng pamahalaan para wakasan ang pagsasamantala sa mga mamamayan.
Bukod sa food security emergency, kinatigan din niya ang isinusulong na congressional inquiry ng Kamara kaugnay ng presyo ng bilihin sa merkado, gayundin ang mataas na singil sa kuryente.