
Ni EDWIN MORENO
SA kabila ng mahigpit na tagubilin ng Department of Interior and Local Government (DILG) laban sa kulturang “epal” sa mga programa at proyektong pinopondohan ng pamahalaan, muling bumida sa social media ang bayan ng Taytay kung saan hayagan na di umano ang pangangampanya ng mga nasa pwesto.
Sa isang Facebook post, partikular na tinukoy ang pake-paketeng bigas na may pangalan ni Taytay Mayor Allan de Leon na inaasahang maghahain ng Certificate of Candidacy sa susunod ng buwan sa hangaring manatili sa pwesto.
Ang mga bigas, ayon sa post ng netizen, ay pinamamahagi ni de Leon sa tuwing nag-iikot sa limang barangay na sakop ng munisipalidad.
Sa ilalim ng Anti-Epal Act, mahigpit na ipinagbabawal sa hanay ng mga opisyales sa gobyerno, halal man o itinalaga sa pwesto, ang pagsusulong ng sariling interes gamit ang mga programa, proyekto at inisyatibang pinondohan ng pamahalaan.
“Government officials, whether elected or appointed, are banned from self-promotion through placement of names, pictures, or otherwise on programs, projects, and any other initiatives that are funded by the government,” saad sa umiiral na panuntunan.
Direktiba pa ng DILG, hindi angkop na makisawsaw ang lahat ng local elective officials na dumalo para makisawsaw sa payout ng ayuda mula sa iba’t ibang ahensya ng national government.
“Huwag po tayong magpa-epal sa mga proyekto ng gobyerno. The Code of Conduct of Government Officials requires public officials and employees to be more circumspect in their activities especially with the 2025 midterm election fast approaching,” saad ng grupong Pinoy Ako, isang non-government organization na nakabantay sa mga tinaguriang trapo.
Taong 2019 nang ilabas ng DILG ang Memorandum Circular 55 kung saan inatasan ang mga opisyales ng 82 lalawigan, 143 lungsod, 1,498 munisipalidad at mahigit 42,000 barangay na iwasan ang pagdalo at pakikialam sa isinasagawang payout ng sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Tulong Pang-hanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) ng Department of Labor and Employment (DOLE).
“The payouts of the DSWD, among other programs, is apolitical. We cannot and will not tolerate any politician to speak during the release of assistance. The payout cannot be linked to any politician, candidate or political party,” wika ni DILG Secretary Benhur Abalos.