
TALIWAS sa inaasahan ng Department of Justice (DOJ), hindi pumabor ang desisyon ng Timor-Leste Court of Appeals sa hirit na extradition request para sa pagbabalik ni former Negros Oriental Rep. Arnie Teves Jr.
Pag-amin ni Justice Secretary Crispin Remulla, ibinasura ng korte ng naturang bansa ang hiling ng Pilipinas na maiuwi sa bansa si Teves para harapin ang mahabang talaan ng kasong kriminal — kabilang ang pamamaslang kay Gov. Roel Degamo noong Marso 2023.
Sa isang kalatas, nagpahayag ng pagkadismaya ang DOJ lalo pa anila’t una nang pinaboran ng korte ang extradition request ng Pilipinas.
“It is peculiar that after having twice decided in favor of extradition — first in June 2024 and again in December 2024 — the Timor-Leste Court of Appeal has now reversed its stance, taking a complete 180-degree turn to reject the Philippines’ extradition request,” saad sa pahayag ng kagawaran.
Gayunpaman, nilinaw ni Remulla na patuloy na hahanap ng paraan ang pamahalaan para panagutin ang sinibak na kongresista sa aniya’y santambak na krimen na nangyari sa lalawigan ng Negros Oriental.
“This sudden shift raises serious concerns, and we are currently seeking further clarification regarding the basis of this decision.”