
WALANG pinipiling pagkakataon ang pagtulong, ayon sa grupong FPJ Panday Bayanihan, kasabay ng pagtugon sa iba’t ibang panig ng bansa para umagapay hindi lang sa mga biktima ng kalamidad kundi maging sa legal at teknikal na pagtulong at pag-agapay sa kabataang mag-aaral.
Pag-amin ni Brian Poe Llamanzares na tumatayong first nominee ng FPJ Panday Bayanihan, walang patid ang pagbisita ng grupo sa mga malalayong probinsya sa hangaring makatulong sa pagbangon ng mga pamilyang lubos na nasalanta.
Ayon kay Brian Poe, aktibong kumikilos ang FPJ Bayanihan volunteers sa paghahatid tulong sa mga apektadong pamilya sa Bicol Region, Camarines Sur at lalawigan ng Batangas na dumanas ng paghagupit ng super bagyong Kristine at Pepito.
Batay sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), pinakamabigat ang dagok ng mga naturang bagyo sa Bicol region kung saan hindi bababa sa 1,906,994 ang apektado.
Bukod sa mga food packs na inilaan para sa mga biktima ng sakuna, patuloy din ang lingguhang FREE Legal Assistance na ginaganap tuwing Biyernes ng umaga sa tanggapan ng Legal Aid Society of the Philippines nasa Patio Pilar, sa kahabaan ng E. Reyes sa Ermita, Maynila.
Panawagan ni Poe sa mga nangangailangan ng legal assistance, makipag-ugnayan lamang sa Facebook page ng FPJ Panday Bayanihan para sa free legal consultation.
Dinaluhan ni Brian Poe ang pagpaabot ng tulong pambaon at pang matrikula na kaloob FPJ Panday Bayanihan Partylist para sa mga kabataang estudyante sa San Carlos City, Pangasinan.
“Mahigit isang dekada na tayong tumutulong sa ating mga kababayang nangangailangan, hinding hindi tayo mapapagod sa pagtulong,” ani Poe.
Ang FPJ Panday Bayanihan ay itinatag ni Dr. Brian Poe noong 2013 sa hangaring ipagpatuloy ang mga adhikain ng yumaong lolo nitong si Fernando Poe Jr., tinaguriang Da King o hari ng Pelikulang Pilipino.
Katuwang si Senator Grace Poe sa pagpapatuloy ng adbokasiya ng kanyang amang si Fernando Poe.