
HINDI sapat ang katagang dismayado para ilarawan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., matapos personal na bisitahin ang isang flood control project na binayaran ng pamahalaan pero walang bakas na sinimulan.
Partikular na tinukoy ni Marcos ang P55.7-milyong halaga ng flood control project sa Barangay Piel na sakop ng bayan ng Baliwag sa lalawigan ng Bulacan.
Ayon sa Pangulo, wala man lang bakas na may itinayong “riverwall” ang kontratista sa likod ng naturang proyekto. Batay aniya sa mga dokumentong nakalap ng Palasyo, idineklarang “100 percent completed” ang nasabing flood control project.
Mas nanggalaiti pa ang Pangulo nang madiskubreng “fully paid” na ng pamahalaan ang kontratistang nakasungkit ng proyekto — ang SYMS Construction Trading.
“As of last month, June, ang report dito: 100 percent complete at saka fully paid. Wala kaming makita. Kahit isang hollow block, kahit isang ano ng semento, walang equipment dito. Lahat itong project na ito, ghost project. Walang ginawa na trabaho dito,” pahayag ni Marcos kasunod ng isinagawang inspekyon.
Sa ilalim ng disenyo ng Department of Public Works and Highways (DPWH), nakasaad ang pagtatayo ng 220-meter reinforced concrete riverwall para pigilan ang pagbaha sa paligid.
“Ang katakataka, hindi namin mahanap itong kontratang ito. So, hinahanap pa rin namin. Hindi namin malaman, siguro subcontract… siguro naka-layer ng subcontractor kaya walang record. Yung record nasa contractor na nakakuha ng kontrata, siguro yung record nasa kanila at saka subcontractor. Yun ang kailangan namin hanapin ngayon dahil maraming napalitan ng district engineer. Kaya’t ‘yung mga bago, hinahanap pa ang mga record,” paliwanag pa niya.
Para kay Marcos ang naturang proyekto ay pwedeng iahanay sa tinawag niyang “perfect example of the abuse that is being done by some of the contractors.”
Garantiya ng Pangulo, hindi titigil ang gobyerno hanggat wala sa piitan ang mga sangkot sa aniya’y malinaw sa sabwatan sa pagitan ng mga kontratista at mga kawatan sa kagawaran.
“It’s another example of the kind of problems that we have been facing. Since we put up the website, ang dami talagang sumusulat,” aniya.
“So, we’ll keep going. Very ongoing naman ang ating mga investigation. Pinag-aaralan namin lahat, tinitignan namin lahat ng mga sinusumbong sa amin and we will not stop. We will keep going until ma-identify nang mabuti at makasuhan nang mabuti itong lahat.”