MATAPOS magpadala ng isang liham sa Net 25, umani ng kabi-kabilang batikos ang Palasyo sa umano’y hirit na tanggalin sa trabaho ang isang mamamahayag dahil sa umano’y paglapit kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa isang panayam.
Sa liham na ipinadala sa Net 25, partikular na tinukoy ng Presidential Communications Office (PCO) si Eden Santos bunsod ng paglabag sa tinatawag na “coverage protocol.”
Anang PCO, mahigpit na ipinagbabawal ang ginawa ni Santos sa isang pagtitipon sa lalawigan ng Tarlac kamakailan.
Gayunpaman, nanindigan si Santos na hindi sapat na dahilan ang paglabag sa coverage protocol para hilingin sa radio-television network ang pagsibak sa isang reporter — maliban na lamang kung “pinag-iinitan” ng mga opisyal.
Bago pa man ang naturang insidente, may ilang pagkakataon na rin binatikos ang PCO dahil sa umano’y pambabarako ng mga opisyales ng kagawaran sa ilang mamamahayag na nakatalaga sa Malakanyang.
Ilang linggo matapos maupo si Jay Ruiz bilang Kalihim ng PCO, ipinagbawal ang pagpasok sa Palasyo ni Malacanang Press Corps president Chona Yu dahil sa paglipat ng kumpanya.
Naglabas rin ng bagong polisiya ang PCO sa accreditation ng mga mamamahayag na naglalabas ng ulat sa mga kaganapan sa loob ng Malakanyang.
Samantala, tinabla ng Net 25 ang hiling ng PCO. (LOUIE LEGARDA)
