HINDI angkop na malagay sa peligro ang buhay ng mga mamamahayag sa pagganap ng tungkulin sa nalalapit na halalan, ayon kay Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) executive director Jose Torres.
Bilang pambungad, personal na pinangunahan ni Torres — kasama si Presidential Communications Office Secretary Jay Ruiz ang paglulunsad ng inisyatibang naglalayon tiyakin ang kaligtasan ng mga kawani ng iba’t-ibang media organizations.
Bukod sa PTFoMS at PCO, bahagi rin ng inisyatibang alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Philippine National Police (PNP) at Security Vanguards na sabayang kikilos para tiyakin ang kaligtasan ng mga mamamahayag sa nalalapit na eleksyon.
Pasok din sa kolektibong pagkilos ang Commission on Elections (Comelec) na pinamumunuan ni Chairman George Garcia, PNP Supervisory Office for Security and Investigation Agencies (SOSIA) Chief Brig. Gen. Marlou Roy Alzate at iba pang opisyal mula sa Department of Justice at Department of Interior and Local Government.
Garantiya ni Torres, tututukan ng Media Vanguards ang pagtugon sa anumang banta o karahasan laban sa mga kasapi ng media.
Sa ilalim ng PTFOMS-PNP Media Vanguards, magde deploy ng “specialized teams” na tutugon sa mga banta sa buhay ng media personnel.
Pinuri naman ni Ruiz ang inisyatibang naglalayon panatilihin ang magandang record ng administrasyong Marcos. Katunayan aniya, wala maski isang mamamahayag ang nasawi noong nakalipas na taon.
Pagtitiyak pa ng Kalihim, mananaig ang malayang pamamahayag sa bisa ng sabayang pagkilos ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, pribadong sektor at mga kasapi ng media. (EDWIN MORENO)
