HINDI biro ang pinagdadaanan ng mga niloko, pinagpalit at iniwan ng dyowa at asawa, ayon sa isang kongresista kasabay ng paghahain ng isang panukalang batas na nagsusulong bigyan sila ng isang araw na leave kada taon para makarekober sa hapding dala ng hiwalayan.
Sa kinasang House Bill 9931 ni Cagayan de Oro City 1st District Rep. Lordan Suan, binigyan diin niya ang halaga ng ‘breakup leave ‘ para magpagaling sa pighati sa kabiguan sa pag-ibig ang mga nakipaghiwalay sa kanilang mga dyowa at asawa.
Batay sa mungkahi ni Suan, ang mga empleyadong na nasa edad 25 hanggang 35 anyos ay bibigyan ng dalawang araw na unpaid heartbreak leave kada taon, habang tatlong araw na breakup leave naman ang isinusulong sa mga edad 36 pataas.
Paliwanag ng kongresista, mas mabilis makarekober ang mga mas nakababata kaya mas maikli ang unpaid leave na nasa kanyang panukala.
Para kay Suan, higit na angkop bigyan ng panahon maghilom ang puso nang sa gayon ay hindi maapektuhan ang trabaho o humantong sa pagkitil ng sariling buhay.
