
HINDI pinalampas ng China ang pagkakataon kumprontahin ang Estados Unidos sa umano’y hayagang pakikialam sa usapin sa timog-silangan Asya, partikular sa pinag-aagawang West Philippine Sea.
Sa ginanap na Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Leaders’ Forum sa bansang Peru, binalaan ni Chinese President Xi Jinping si outgoing US President Joe Biden sa aniya’y pakikisawsaw ng Estados Unidos sa territorial dispute sa pagitan ng China at Pilipinas.
Ani Xi, mas mainam sa Estados Unidos na ituring ang China bilang isang kaalyado para sa pagpapatibay ng relasyon ng kani-kanilang bansa.
Sakali aniyang tanggihan ang alok ng China, hindi malayong magiba ang relasyon ng dalawang bansa.
Suportado ng Amerika ang Pilipinas sa usapin ng West Philippine Sea, alinsunod sa desisyon ng Permanent Court of Arbitration na nagbasura sa nine-dash line claim ng China.
Garantiya ni Xi, handa ang China makipag tulungan kay incoming President Donald Trump. Sa unang termino ni Trump noong 2016, uminit ang trade war ng US at China.