WALANG plano ang pamahalaan bitawan ang reklamo ng mga konsyumer kaugnay ng umano’y palpak na serbisyo ng kumpanyang pag-aari ng pinakamayamang pamilya sa bansa.
Sa ginanap na press briefing sa Palasyo, ibinahagi ni Atty/ Claire Castro na tumatayong Palace Press Officer ang resulta ng inilunsad na imbestigasyon ng Local Water Utilities (LWUA) sa PrimeWater.
Aniya lumawak nang husto ang mga joint venture agreement ng naturang kumpanya sa panahon ng panunungkulan ni Senador Mark Villar bilang Kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa ilalim ng administrasyon ni former President Rodrigo Duterte.
Ayon kay Castro, patuloy na pinag-aaralan ng LWUA Administrator Jose Moises Salonga, Solomon Hermosura ng Office of the Government Corporate Counsel (OGCC) at iba pang mga kasama sa Office of the President ang kasalukuyang sitwasyon ng mga consumer ng PrimeWater.
“Nabatid natin ang malawakang problema na naidulot ng kakulangan ng PrimeWater. Mas dumami ang mga joint venture agreement ng PrimeWater taong 2019, panahon ng nakaraang administrasyon at noong mai-attach ito sa DPWH na noon ay pinamumunuan ni Secretary Mark Villar,” saad ni Castro.
Samantala, kinumpirma ni Salonga na tapos na ang unang bahjagi ng imbestigasyon sa mga reklamo kontra PrimeWater.
“Nabigay po namin ang aming recommendations, findings and the ways forward kung paano natin maiiwasan, matatapos itong issues na ito. Ang importanteng tandaan sa imbestigasyon na ito at naging focus ng pag-uusapan namin kanina, it’s not about finger-pointing or blaming. The issue there is how do we put water in those people’s pipes, paano tayo magpaparating ng tubig sa kanila,” aniya. (LOUIE LEGARDA)
