HINDI pa marahil handa ang mga botanteng Pinoy yakapin ang tinaguriang “principled politics” o ang pagluluklok ng bagong mukha pero may ibubuga.
Batay sa pinakabagong resulta ng senatorial preference survey na pinangasiwaan ng opinion research firm na WR Numero mula Pebrero 10 hanggang 18, dominado ng mga kandidatong pasok sa kategorya ng political dynasty ang Magic 12 – at lahat sila pambato ng administrasyon.
Tulad ng inaasahan, muling nanguna si ACT-CIS Partylist Rep. Erwin Tulfo na may 46.5 percent, kasunod sina reelectionist Senators Lito Lapid (37.1%), Bong Revilla (36.1%) at Pia Cayetano na nakasungkit ng 35.8%.
Pasok din sa Magic 12 ang iba pang pambato ni Marcos kabilang ang mga dating senador na sina Tito Sotto, Ping Lacson, Manny Pacquiao at Makati City Mayor Abby Binay.
Sa labas ng administrasyon, hindi natinag sa Magic 12 sina Senador Bong Go at Bato dela Rosa na kapwa pambato ng PDP-Laban sa pamumuno ni former President Rodrigo Duterte.
Sa hanay ng mga independiente, lusot ang brodkaster na si Ben Tulfo at komedyanteng si Willie Revillame.
Doble kayod naman sina dating Senador Bam Aquino (25.2%) at Kiko Pangilinan (24.9%) na nasa ika-13 at 14 ayon sa pagkakasunod, habang lumalabo naman ang posibilidad na manalo sina Las Piñas Rep. Camille Villar, Imee Marcos, Francis Tolentino at Benhur Abalos mula sa kampo ng administrasyon.
