
NANINDIGAN ang isa sa 11 miyembro ng House prosecution team na hindi kailangan magpatawag ng special session ang Pangulo para simulan ng Senado ang impeachment trial laban sa pangalawang pangulo.
Ayon kay San Juan City Rep. Ysabel Maria Zamora, mandato ng Senado sa ilalim ng 1987 Constitution magsilbing impeachment court kahit sa panahon ng naka-recess ang sesyon ng kongreso.
“We don’t need a special session because the Constitution is clear that trial shall forthwith proceed. For us, the Senate is already the impeachment court even if it is in recess,” wika San Juan City lady solon.
Sinang-ayunan ni Zamora ang desisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na huwag makialam sa naturang isyu, at binigyang-diin ang prinsipyo ng paghihiwalay ng kapangyarihan sa pagitan ng mga sangay ng gobyerno.
“The executive is a separate branch of government; thus, it is right for the President not to call for a special session,” dugtong ni Zamora.
Samantala, inihayag ni House Assistant Majority Leader Jil Bongalon (Ako Bicol Partylist) na hindi pa natatanggap ng Kamara ang kopya ng petisyong isinampa ng kampo ng bise presidente sa hangaring kuwestyunin ang napipintong impeachment proceedings.
“We have not yet received a copy of the order, but definitely we will comply. We are confident that the Supreme Court will not intervene,” tugon ni Bongalon, kabilang din sa House prosecution panel nang hingian ng komento sa ginawang pagdulog sa high tribunal ng kampo ni Duterte. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)