Ni Hernan Melencio
NOONG uhugin pa akong bata sa Navotas, may kapitbahay kaming may-ari ng kalesa. Madalas kaming tumambay ng mga kalaro ko sa silong ng bahay ng may-ari at pinanood ang kabayo na parang nanonood ng hayop sa zoo. Tuwang-tuwa kami kapag humahalinghing ang kabayo o pinakakain ng amo o inaayusan para ikabit ang kalesa.
Kakatwa ito sapagkat nag-iisang kalesa na lang ito sa buong Navotas noon, sa pagkakaalam ko. Mga jipni ang pampublikong sasakayan noon na nakikita kong dumaraan sa makitid na kalsada ng Navotas. Kaya maituturing kong napakaswerte ko at nasaksihan ko nang malapitan ang “huling sipa” ng kalesa bilang sasakyang publiko.
Nawala na ang nag-iisang kalesang iyon sa Navotas pagdating ko ng Grade 6; marahil kasabay ng pagkamatay ng kabayo. Bagama’t may mangilan-ngilan akong nakita at nasakyan pa nga sa Binondo nang huling naligaw ako roon noong 2011. Mga labi ng nakalipas na napakaraming dekada ng pamamayagpag nila bilang hari ng kalsada. Matagal nang pumalit ang jipni sa trono.
At ngayo’y ito naman ang nanganganib na bumagsak. Ito’y kung magtatagumpay ang gobyerno na ipatupad ang tinatawag na jeepney phaseout na bahagi ng Public Utility Vehicle Modernization Plan nito.
Ang natutunan ko sa maraming taon ng pakalat-kalat sa kalsada ay hindi mo pwedeng idikta sa mga tao kung ano ang gusto nila. Hindi magtatagumpay ang plano mo kung ayaw nila rito.
Ang siste sa gobyerno, iisa lang ang solusyon nito pagdating sa problema sa transportasyon at trapiko: sisihin ang mga sasakyang publiko at pilitin itong kontrolin. Nasaksihan natin ito sa kung anu-anong atras-abanteng pagdidikta sa mga pampasaherong bus na lalong nagpahirap sa mga pasahero.
Para itong hilong-talilong na hindi malaman ang gusto. Hindi kasi gumagamit ng pangmasang sasakyan ang mga pulitikong gumagawa ng batas at hindi rin sila nagsasaliksik.
Hindi nalalayo rito ang planong jeepney phaseout. Hindi nito iginagalang ang katayuang nakamit ng sasakyang ito bilang isa sa mga simbolong kumakatawan sa Pilipinas. Gusto nitong alisin sa kalsada at maging isang displey na lang sa museo ang jipni. Ang nakakatawa, pero masakit, nababahala ang gobyerno tuwing magpapatawag ng tigil-pasada ang mga tsuper ng jipni gayong iyon nga ang gusto nitong mangyari; ang mawala ang jipni sa kalsada.
Ano nga ba ang reklamo ng gobyerno sa jipni at takot na takot sila rito? Heto ang sinasabi: hindi raw name-maintain nang maayos ang jipni, hindi ligtas, walang seguridad ang pasahero, at sinauna ang disenyo. May iba pa silang sinasabi tungkol sa prangkisa at sistema ng operasyon pero hindi lang iyon para sa jipni.
Sinasabi ng mga tsuper at operator na hindi naman sila tutol sa modernisasyon. Tanggap nilang kalauna’y sadyang mawawala sa kalsada ang jipni, pero hindi pa ngayon. Hindi raw makatotohanan ang magiging presyo nito para sa kanila. Kailangan nilang maglabas ng 1.6 milyon hanggang 3 milyong piso para bumili ng modernong pampasaherong sasakyan.
Kahit sundin nila ang patakaran ng gobyernong magbuo sila ng mga kooperatiba para dito, marami pa ring mawawalan ng trabaho at negosyo kung ipatutupad ito. Ano kaya ang natitira sa kanila gayong binigyan na sila ng gobyerno ng hanggang katapusan na lang ng taong ito para sumunod?
Kung ako ang masusunod, ayaw kong maalis ang jipni sa kalsada habang ako’y nabubuhay – na hindi naman siguro masyadong matagal. Para sa akin, tama lang ang disenyo nito at kasingligtas lang ito ng iba pang klaseng sasakyan. Anong sasakyan ba ang syento-por-syentong ligtas? Kahit nakaparadang sasakyan e di ligtas sa aksidente.
Ayos din lang ang disenyo nito. Alalahaning hango ito sa jeep ng mga Amerikano na dinisenyo para “madaling sakyan” ng mga sundalo. Mas pipiliin kong sumakay sa jipni kesa sa minibus dahil mas mabilis at maginhawa ito sa akin. Saka bagay lang ang laki ng jipni para sa maraming makikitid na kalsada sa bansa, lalo na sa Metro Manila.
At syempre, alam mong nasa Pilipinas ka kapag nakita mo ang mga pumapasadang jipni.