
MATAPOS ang apat na dekada, ipinag-utos ng Sandiganbayan ang pagbabalik ng tinatayang P3.5 bilyong halaga ng shares ng Philippine International Commercial Bank (PCIBank) sa tagapagmana ni yumaong Ambassador Benjamin Romualdez.
Sa 12-pahinang desisyon ng Sandiganbayan, partikular na ibinasura ng korte ang Civil Case 0035 na isinampa ng pamahalaan laban kay Romualdez at sa Trans Middle East Phils. Equities Inc.
Ama ni House Speaker Martin Romualdez ang yumaong ambassador, na kapatid naman ni dating First Lady Imelda Romualdez Marcos.
Sa rekord ng Sandigan, inakusahan ng pamahalaan si Romualdez na sapilitang inangkin ang P6,299,177 shares sa tulong ng bayaw na si former President Ferdinand Marcos Sr.
Hulyo ng taong 2022 nang ibasura rin ng Korte Suprema ang Sequestration Order 86-0056 na inilabas ng pamahalaan noong Abril 1986 sa ilalim ng administrasyon ni yumaong Pangulong Cory Aquino.
Binigyan lang ng Sandigan ng 15 araw ang PCIBank (Banco de Oro na ngayon) para ibalik sa nakumpiskang “tagong-yaman” ng mga Romualdez.