MASYADONG maliit ang P100 milyong alokasyon para sa tinatawag na “branding and promotion” ng Department of Tourism (DOT), ayon kay Secretary Cristina Frasco.
Sa ginanap na Bagong Pilipinas public briefing sa Palasyo, inamin ni Fransco na malaki ang epekto sa kagawaran ang P400-milyong tinapyas para sa pagsusulong ng bagong mukha ng bansa sa larangan ng turismo.
Batay sa 2025 National Expenditure Program (NEP) na isinumite ng Department of Budget and Management (DBM) sa Kamara noong Hunyo 2024, P500 milyon ang hirit na alokasyon para sa “branding and promotion.”
Sa nilagdaang General Appropriation Act, lumalabas na P100 milyon na lang ang natira sa orihinal na panukala.
Ayon kay Frasco, malaking hamon sa departamento ang limitadong budget para mapansin sa buong mundo at maipakita ang magagandang tanawin ng Pilipinas.
“We anticipate that it will affect tourism arrivals considering that the lesser opportunity that we have to market the Philippines, the lesser chances that there are to reach as many markets or as many people as we wish,” wika ng Kalihim.
Gayunpaman, nilinaw ni Frasco na pagsisikapan ng DOT ilako sa iba’t ibang panig ng daigdig ang mga tampok na Philippine tourist destinations, gayundin ang mga produktong gawang-Pinoy — sa bisa ng traditional marketing ad placements, social media platforms at paggamit ng billboards.
Pagmamalaki ng DOT chief, nakapagtala umano ang bansa ng all-time high na kita mula sa mga dayuhang bumisita sa bansa. Sa datos ng ahensya, pumalo sa mahigit P760 billion (mas mataas ng 9% kumpara sa 2023), ang pumasok sa sektor ng lokal na turismo.
“The good news is that Philippine tourism was able to garner an all-time high in visitor revenues from our international tourists over 760 billion pesos. This represents over 9% increase from our 2023 visitor revenues and a 126% recovery from the 600 billion visitor receipts in 2019.”
