HINDI pa man tuluyang humuhupa ang kontrobersiya hinggil sa bulilyasong promotional video para ibida ang Pilipinas bilang pangunahing pasyalan, umapela sa Kongreso ang Department of Tourism (DoT) na dagdagan ang pondong inilaan sa kagawaran ng Department of Budget and Management (DBM).
Sa pagdinig ng House Committee on Appropriations, personal na dumulog si Tourism Secretary Christina Garcia Frasco na higitan ang inirekomendang pondo ng DBM sa isinumiteng 2024 National Expenditure Program.
“The reduction in the budget of the department as well as our attached agencies will adversely affect the projects that we have forthcoming for 2024, and therefore, it is with earnest hope that our Honorable representatives would consider their generosity,” ani Frasco.
Sa ilalim ng 2024 NEP, P2.99 bilyon ang isinusulong na pondo para sa naturang departamento – mas mababa ng P740 milyon kumpara sa budget ng DOT para sa kasalukuyang taon.
Nakakuha naman ng kakampi sa Kamara si Frasco matapos tumindig at manawagan si Albay Rep. Edcel Lagman sa mga kapwa kongresista na bigyan ng sapat at makatarungang alokasyon ang nabanggit na departamento.
Maging si Bagong Henerasyon Rep. Bernadette Herrera-Dy, pinuna ang tapyas sa budget ng DOT.
Isinisi naman ni DoT Undersecretary Shereen Gail Yu-Pamintuan ang pagbaba ng tinawag niyang “market and product development portfolio” sa limitadong budget para sa “branding campaign” na pinaglaanan lang ng P500 milyon mula sa dating P1 bilyon.
Partikular na tinukoy ni Yu-Pamintuan ang kawalan ng salapi para sa pagtatayo mga sariling gusali at sasakyang kailangan ng departamento.
Sa datos ng DOT, pumalo sa 2.65 milyon ang “foreign tourist arrivals” noong nakaraang taon habang nasa 3.4 milyon naman ang “international tourist arrivals” mula Enero hanggang kalagitnaan ng buwan ng Agosto.
Ayon pa kay Franco, higit na kailangan ng kanyang kagawaran ng dagdag pondo para ipagpatuloy ang pagsipa ng turismo.
Taong 2022 nang masungkit ng Pilipinas ang World Travel Awards, pagkilala bilang World’s Leading Beach Destination, World’s Leading Dive Destination at Asia’s Leading Tourist Attraction para sa Intramuros.