MATAPOS mabakante ang pwestong iniwan ni dating Land Transportation Office chief Jay Art Tugade, isang sinibak na opisyal ng naturang ahensya ang target di umano paaupuin ni Transportation Secretary Jaime Bautista sa naturang ahensya.
Sa isang liham na ipinadala sa tanggapan ni Executive Secretary Lucas Bersamin, hayagang pinasaringan ang di umano’y pag-endorso ni Bautista sa isang Atty. Vigor Mendoza na dinimis sa serbisyo ni dating Pangulo Joseph Ejercito Estrada taong 1998 batay sa rekomendasyon ng Presidential Commission Against Graft and Corruption.
Sa panunungkulan ni Mendoza bilang officer-in-charge ng LTO naganap di umano ang kabi-kabilang pag-apruba ng Certificate of Public Convenience para sa mga rutang papasok ng National Capital Region (NCR) sa kabila pa ng umiiral na moratorium.
Base sa Administrative Order 97 na inisyu ng Pangulo, nilabag di umano ni Mendoza ang Section 3(a), ng Republic Act 3019 at RA 6713 bunsod ng direktiba sa Technical and Legal Divisions ng LTFRB, na tanggapin lahat ng PUB applications para sa CPC – taliwas sa kapasyahan ng LTO Board.
Paliwanag ni Mendoza, walang mali sa kanyang ginawa lalo pa’t kalakaran naman aniya sa LTFRB ang paglalabas ng memorandum bilang OIC. Naging bukas rin di umano sa publiko ang lahat ng aplikasyon, bukod pa sa hindi nalagay sa dehado ang gobyerno.
Higit na kilala ang LTO bilang kanlungan ng katiwalian ang kapalpakan. Patunay nito ang kabi-kabilang kontrobersiyang kinasangkutan ng ahensya – mula sa milyong backlog ng plaka sa mga sasakyan, hanggang sa paggamit ng paper print out bilang lisensya sa halip na tamper-proof plastic cards.
Magugunitang bumaba sa pwesto si Tugade bunsod ng hidwaan sa Kalihim na may saklaw sa noo’y pinamumunuang LTO.