TALIWAS sa inaasahan, itutuloy pa rin ng Department of Tourism (DOT) ang paggamit ng ‘Love the Philippines’ tourism slogan sa kabila pa ng mga batikos na sinalo ng kagawaran bunsod ng bulilyaso sa ibinidang promotional video.
Sa isang panayam kasabay ng 2022 Philippine Tourism Satellite Accounts and Tourism Statistics Dissemination Forum, hayagang sinabi ni Tourism Secretary Christina Frasco na walang plano ang kanyang departamento palitan ang aniya’y slogan na bunga ng mabusising pag-aaral.
Bilang patunay ng kanyang posisyon, paulit-ulit na binanggit ng Kalihim ang ‘’Love the Philippines’’ sa kanyang talumpati, kasabay ng pagpapakita ng slogan logo sa entablado ng kaganapan.
Una nang inamin ng DDB Philippines na may ilang bahagi sa kanilang nilikhang promotional video ang halaw sa mga stock shots na kuha sa ibang bansa. Ang DDB Philippines ang advertising agency na binawian ng kontrata ng DOT para sa nasabing proyekto.
Palusot ng DDB Philippines, isang “unfortunate oversight” ang gamit ng stock footage na kuha sa mga bansang Indonesia, Thailand, Switzerland, at United Arab Emirates.