![](https://saksipinas.com/wp-content/uploads/2023/05/flight-delay.jpg)
BAHAGYANG maaantala ang lipad ng mga eroplano mula sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), ayon sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP).
Paliwanag ng CAAP, apektado ng pagsumpong-sumpong na brownout ng operasyon ng pangunahing paliparan sa bansa.
Partikular na tinukoy ni CAAP Spokesperson Eric Apolonio ang ‘power fluctuation’ na di umano’y naganap dakong ala 1:00 ng madaling araw, batay sa ulat ng Manila International Airport Authority (MIAA).
Ayon kay Apolonio, nabalam ang paglapag ng APG774 sa Terminal 3 ng NAIA matapos saglit na kumisap-kisap ang kuryente. Napilitan di umanong ‘magpaikot-ikot’ muna sa himpapawid ang naturang eroplanong ganap na nakababa dakong ala 1:20 ng umaga.
Paglilinaw ng tagapagsalita ng CAAP, walang naganap na browout.
Sa isang pahayag, inamin ng NAIA na nakaranas ng tinawag nilang ‘power outage’ sa Terminal 3, kasabay ng abiso sa inaasahang delay sa iba pang flights dahil standby power generators lang ang pinagkukunan ng kuryente sa mga sensitibong pasilidad ng paliparan.
“Standby power is now supplying electricity to critical facilities enabling computer systems of airlines and Immigration to function partially and enable processing of both inbound and outbound passengers,” ayon sa NAIA.
“As a result, delayed flights shall be expected,” dagdag pa sa pahayag.
Inaalam na rin anila ng MIAA Engineering team at MERALCO technical personnel ang sanhi ng pagpalya ng enerhiya.