KUNG walang handog ang Palasyo sa mismong Araw ng mga Manggagawa, sa Senado may ikinakasang regalo para sa mga obrero – P150 dagdag sa umiiral na minimum wage saan pang panig ng bansa.
Pangako ni Senate President Juan Miguel Zubiri sa sektor ng manggagawa, pagtutuunan ng senado ang mga panukalang nagsusulong sa proteksyon, interes at kapakanan ng mga empleyado – sa pribadong sektor man o sa gobyerno.
Tampok sa kanyang adyenda ang pagsusulong ng makatarungang antas ng sweldo.
“Ngayong Labor Day, kasama ako ng lahat ng mga manggagawa sa pagsulong ng tamang sahod, benepisyo, at kondisyon sa pagtatrabaho. Alam kong napakahalaga nito lalo na at patuloy na tumataas ang presyo ng mga bilihin at bayarin, na kahit na pagpaguran ng isang manggagawa ang kanyang full-time na trabaho, minsan ay hindi na rin sapat ang sahod dito para suportahan ang kanyang pamilya,” aniya.
Sa datos ng DOLE, pinakamataas ang umiiral na minimum wage sa Metro Manila – P570 kada araw, habang pinakamababa naman sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) kung saan P316.00 lang ang arawang sweldo ng mga obrero.
Sa pagpasok ng 2023, nalugmok ang mga Pilipino matapos makapagtala ng 8.7% inflation rate – pinakamataas na antas sa kasaysayan ng bansa.
“Kailangang mahanapan natin ng solusyon ang lumalawak na pagitan sa gitna ng sahod at gastusin, sa lalong madaling panahon. Kaya naman nitong March, nag-file ako ng across-the-board-wage increase act sa Senado.”
Sa ilalim ng Senate Bill 2002 (Across-the-Board Wage Increase Act of 2023), target ni Zubiri pagtibayin ang batas na magbibigay ng karagdagang P150 sa arawang sahod ng mga manggagawa – kesehodang saan rehiyon pa.
“Kailangan nating i-angat ang ating mga manggagawa, at siguraduhin na nakukuha nila ang tamang sahod na pinagpaguran nila. Ang mga manggagawa ang pundasyon ng buong business sector, at kung wala sila, babagsak ang ating ekonomiya at ang ating bansa. Kaya ibigay natin kung ano ang nararapat sa kanila.”
“Sa tunay na nakabubuhay na sahod, masusuportahan ng mga manggagawa hindi lamang ang kanilang mga pamilya, kundi ang kanilang mga komunidad at pati ang buong bansa,” pagtatapos ng Senate President.