SA kabila pa ng tumataginting na P2.939 bilyong nakalaan sa Department of Tourism (DOT), wala maski singkong nakalaan ang naturang ahensya para sa lalawigan na higit na kilala bilang isa sa mga pangunahing tourist destination, ayon kay Surigao del Sur Rep. Romeo Momo.
Sa pagbusisi ni Momo sa panukalang budget ng DOT batay sa isinumiteng 2024 National Expenditure Program (NEP) ng Department of Budget and Management (DBM), lumalabas aniya na hindi kasali sa master plan ng kagawaran ang kinakatawan niyang lalawigan sa mga lugar na ibibida ng naturang ahensya.
Partikular na nadismaya si Momo na tumatayong chairman ng House Committee on Public Works and Highways sa DOT master plan para sa iba’t-ibang infrastructure projects na target isakatuparan sa susunod na taon.
Sa ginawang pagdinig ng House Committee on Appropriations para sa hinihinging 2024 budget ng DOT, nasilip ng kongresistang tumatayong vice chairman ng House Committee on Appropriations ang ‘zero’ infra project ng naturang ahensya para sa Surigao del Sur.
Para sa naturang solon, mas malaki ang potensyal ng aniya’y mahabang talaan ng magandang tourist destinations sa Surigao del Sur kung paglalaanan ng pondo para sa maging ‘accessible’ sa lokal at dayuhang turista.
Panawagan ng mambabatas sa DOT, maging patas sa pagtingin ng mga lugar na may potensyal na mag-ambag sa pagpapaunlad ng sektor ng turismo. Hindi rin aniya angkop limitahan ang talaan sa mga sikat na pasyalan.
Depensa naman ni Tourism Sec. Christina Frasco, ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ang silang tumutukoy at namamahala sa pagpapatupad ng tourism infra projects – bagay na agad sinopla ni Momo na minsan nang itinalaga at naglingkod bilang Undersecretary ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Base aniya sa kanyang mahabang karanasan sa pinanggalingan ahensya, hindi saklaw ng DPWH ang paglalatag ng master plan at paglikha ng priority list ng DOT. Katulad rin aniya ng mga school buildings na itinatayo ng DPWH base sa master plan ng Department of Education (DepEd).
Pagtitiyak ni Momo, muling isasalang ang Kalihim ng DOT sa pagpapatuloy ng pagtalakay sa proposed 2024 budget ng DOT hanggang sa mapagtanto ng nasabing ahensya na karapat-dapat rin ang Surigao del Sur na buhusan ng pondo sa hangaring pasiglahin ang turismo sa nabanggit na lalawigan.