
PARA sa isang bagitong kongresista, marapat lang na busisiin ng Kamara ang iginawad na prangkisa ng pamahalaan sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) bunsod ng mga kaduda-dudang pamamalakad ang polisiya.
Higit pa sa pamamalakad, partikular na isinusulong ni Anakalusugan partylist Rep. Ray T. Reyes ang kabiguan ng NGCP na magbayad ng 3% franchise tax sa nakalipas na 12 taon.
“Hindi makatarungan na sa loob ng labindalawang taon hindi nagbayad ng franchise tax ang NGCP at pinasa pa ang responsibilidad nila sa mga consumers,” pagbubunyag ni Reyes.
“This is a deplorable practice, and one that warrants a thorough review of the franchise of the NGCP,” dismayadong pahayag ng mambabatas.
Kung pagbabasehan naman aniya ang financial statement na isinumite ng NGCP sa Securities and Exchange Commission (SEC), malinaw naman di umanong kakayahan magbayad ng buwis ang nasabing kumpanya – bagay na ani Reyes ay tila sadyang iniiwasan lang ng NGCP.
“Nakakabahala. Given a net income of more than P20 billion annually since 2011, kayang-kayang bayaran ng NGCP ang kanilang franchise tax pero mas pinili pa rin nila na ipasa ito sa mga consumers,” sabi pa ng Anakalusugan solon.
Nasilip din ni Reyes ang modus ng NGCP na mas pinili na lang magmulta kesa bayaran ang iba pang obligasyon sa pamahalaan.
“Nakakalungkot dahil kahit maraming penalties na ipinapataw sa kanila, patuloy na kumikita ang NGCP, kaya naman parang mas gusto na lang nito na magbayad ng penalties kesa kumpletuhin ang mga ipinangakong proyekto. Kailangan mapanagot ang ganitong mapang-abusong gawain,” dagdag pa ni Reyes.
Kung bantulot man ang NGCP sa pagbabayad ng buwis at itinetengga ang mga proyekto para mapabuti ang kanilang serbisyo, ibinisto rin ni Reyes ang pagiging galante naman sa pagbibigay ng dibidendo sa mga shareholders ng kumpanya.
“Noong taong 2011, 2013, at 2014 mas mataas pa ang dividend payout ng NGCP kesa sa kanilang net income,” paglalahad ng kongresista.
“Kung ganito ang pamamalakad sa NGCP, hindi na po katakataka kung bakit ang daming aberya at tila wala silang naku kumpletong mga proyekto,” pagtatapos ni Reyes.