MABIGAT na kamao ni Mayor Ernesto Tajanlangit ang dumapo sa panga ng kanyang sariling vice mayor na una nang nagpahiwatig ng interes lumaban sa posisyon ng alkalde sa bayan ng Tobias Fornier sa lalawigan ng Antique.
Ayon kay Antique Gov. Rhodora Cadiao sinapak sa mukha ni Tajanlangit si Vice Mayor Jojo Fornier. Ang dahilan – ayaw masapawan.
Kwento ng gobernador, humingi si Vice Mayor Fornier sa kanyang tanggapan ng mga food packs na ipamamahagi sa mga residenteng hindi inayudahan ni Tajanlangit.
Sa kabuuan, umabot sa 500 food packs mula sa DSWD ang binigay ng gobernador kay Fornier na ikinagalit naman umano ni Tajanlangit na agad nagsama ng ilang miyembro ng lokal na himpilan ng pulisya para abanggan sa checkpoint anng pagdatinngg ni Fornier.
Pagdating sa checkpoint, pinara di umano ang trak na may lulan 500 food packs na ipinamahagi sana ni Fornier sa mga kababayan.
“Humingi siya (Fornier) sa akin na kung pwede maka-distribute din siya. So I gave him food packs from the Department of Social Welfare and Development. Noong nalaman ni mayor, naghimu siya ng checkpoint kasama ang police,” wika ng gobernador.
Agad na inatasan ni Tajanlangit ang mga pulis na kumpiskahin ang mga ayudang nasa trak na dala ng Vice Mayor. Dito na nagkasagutan ang dalawang lokal na opisyal hanggang sa sapakin ng mayor sa panga si Fornier.
Suspetsa ni Cadiao, nais ng alkalde na siya ang magpamahagi ng tulong sa mga residente ng nasasakupang bayan.
Samantala, iginiit ni Tajanlangit na mandato ng Municipal Social Welfare and Development Office ang pamamahagi ng ayudang mula sa DWSD.
