SA hangaring ipagtanggol ang soberanya at karapatan ng bansa laban sa banyagang mananakop, 10 lalawigan sa mga baybaying bahagi ng bansa ang kumasa sa hamon ipagtanggol ang bansa.
Ayon kay Department of Interior and Local Government (DILG) Assistant Secretary for International Relations Lilian de Leon, nagpahayag ng kahandaan ang 10 lalawigan na magsumite ng kani-kanilang action plan bilang ambag sa isinusulong na paghahanda ng pamahalaan sa gitna ng lumalalang sitwasyon sa West Philippine Sea.
Kabilang sa kumasang lalawigan ang Pangasinan, La Union, Ilocos Norte, Ilocos Sur, Batanes, Bataan, Zambales, Batangas, Palawan at Occidental Mindoro.
Gayunpaman, kapuna-punang wala maski isang probinsya sa Visayas at Mindanao ang kumasa sa hamon.
“The provincial action plans’ roll-out will start this May 2024, for the implementation, operationalization and institutionalization of the agreement during the first-ever National Summit for the West Philippine Sea, which aims to strengthen local leadership and governance and empower communities,” pahayag ni De Leon.
Target ng Batanes palakasin ang maritime security at safety sa paraan ng pagdidispatsa ng mga sasakyang dagat, habang magtatalaga naman ng fish warden at sea patrol ang Ilocos Norte.
Sa panig ng Ilocos Sur, isasabak naman ang kanilang Armed Forces of the Philippines (AFP) reserve corps sa larangan ng koordinasyon ang kooperasyon ng mga lokal na pamahalaan.
Baywatch naman ang tugon ng La Union sa hangarin magtaguyod ng mga maritime substation sa baybaying bahagi ng lalawigan, kasabay ng pagsali sa mga regular joint seaborne patrol.
Illegal fishing at maritime pollution ang puntirya ng Pangasinan, habang bantay-sarado naman sa Zambales ang hangganan ng tinaguriang municipal waters para pigilan ang pagpasok ng mga dambuhalang fishing vessels mula sa ibang bansa.
Magsisilbing mata naman sa West Philippine Sea ang Bataan laban sa presensya at pamba barako ng China.
Plano ng Batangas protektahan ang tinatawag na “mangrove, coral and seagrass protected areas.”
Samantala, mahigpit na implementasyon ng local and national fishery laws ang ambag ng Occidental Mindoro.
Target naman ng Palawan magbigay ng transportasyon sa mga islang sakop ng lalawigan.
“(Interior) Secretary (Benhur) Abalos felt that what is being done is more on the defense side, which is very important. This (empowering of LGUs and stakeholders) is a soft strategy, strengthening local leadership and governance and empowering communities to address food security, livelihood, preservation and protection of the environment and marine biodiversity,” ani de Leon.
