MATAPOS magviral ang video ng isang batang nakasilid sa delivery box na nakakabit sa motorsiklo, isang show-case order ang nakatakdang ilabas ng Land Transportation Office (LTO) sa rider – kung hindi man sa rehistradong may-ari ng motorsiklo.
“Immediately mag-iissue tayo ng show cause order po doon sa rider, sa may-ari ng motor,” pahayag ni Renan Militante, LTO Intelligence and Investigation Division officer-in-charge.
Kabilang rin sa sinisilip ng LTO ang posibleng paglabag ng rider sa Republic Act No. 1066 (Children’s Safety on Motorcycles Act of 2015).
“Kung titingnan po natin, wala po siya sa tamang spesipikasyon ng pag o-onboard ng isang bata, na dapat po ‘yung feet ng bata ay nasa footpeg ng isang motorcycle. Pangalawa, naka-helmet po dapat ang bata at pangatlo po, dapat nakayakap ‘yung bata sa nagmamaneho ng motorsiklo,” dagdag pa ng opisyal.
Sa cellphone video na in-upload ng netizen na nakilala sa pangalang Jeric Cruz noong Pebrero 24, kitang-kita ang kamay ng batang nasa loob ng delivery box na akmang bubuksan habang tumatakbo ang motorsiklo.
Ayon kay Cruz, ipinost niya ang video para isulong ang child safety awareness. Dagdag pa niya, lubhang nalagay sa peligro ang bata nasa loob ng ‘insulated box’ – bukod pa sa walang bracket na magbibigay katiyakan na hindi mahuhulog ang laman ng kahon.
