NASA 83 Pilipinong nagtatrabaho sa iba’t ibang bahagi ng mundo bilang overseas contract workers ang nakatakdang bitayin bunsod ng iba’t-ibang kaso, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).
Sa pagdinig ng House Committee on Overseas Workers Affairs, inamin ni Assistant Secretary Paul Cortez na nasa balag ng alanganin ang mga kababayang OFW sa mga bansang Malaysia, United Arab Emirates Saudi Arabia, Bangladesh, China, Vietnam, Estados Unidos, Japan at Brunei.
Sa mga nabanggit na bansa, pinakamarami ang Pinoy ang nakatakdang bitayin sa Malaysia kung saan 56 Pinoy ang nasa death row. Anim na manggagawang PInoy ang nasa deathrow sa United Arab Emirates, lima sa Saudi Arabia, tatlo sa China at 12 iba pang Pinoy na nakabase sa iba pang mga tinukoy na bansa.
Sa 56 na Pilipinong naghihintay na lamang ng kanilang sentensyang kamatayan, 30 sa kanila ang nahatulan sa kasong pagpatay, habang 18 naman ang tinamaan bunsod ng kasong droga at smuggling.
Ang nalalabing walo sa 56 na Pinoy, pawang binasahan ng guilty verdict dahil sa pagkakasangkot sa madugong labanan sa Lahad Datu noong 2013.
“Sila yung naglayag mula Tawi-Tawi hanggang Malaysia para ipaglaban ang Sabah.”
Para kay Cortez, gustuhin man nilang ipela ang mga iginawad na parusa, “final and executory” na di umano ang pasya ng mga husgado sa Malaysia.
Gayunpaman, umaasa aniya ang DFA na pagbibigyan ang hiling na pardon ng kagawaran para sa 56 na Pinoy sa Malaysia.