PANANDALIANG off-limits sa publiko ang bahagi ng FB Harrison Avenue sa lungsod ng Pasay bunsod ng ammonia leak mula sa isang planta ng yelo.
Sa ulat ng Pasay City – Bureau of Fire Protection (BFP) lima katao – kabilang ang apat na fire volunteers ang nilapatan ng lunas matapos makalanghap ng nakakalasong kemikal na gamit sa paggawa ng yelo.
Ayon kay Pasay City-BFP Fire Inspector Amado Rivera, dakong alas 10:00 ng umaga nang itawag ng mga residente sa naturang bahagi ng lungsod ang di umano’y masangsang at nakakahilong amoy mula sa planta ng Summit Ice sa kahabaan ng FB Harrison Avenue.
Nagtamo naman ng sugat ang isang empleyado ng planta matapos madapa sa pagmamadaling makalabas sa pinapasukang ice plant.
Mabilis naman natunton ang tagas at nakontrol ng BFP ang ammonia leak. Pansamantalang isinara ang ice plant para bigyang daan ang imbestigasyon at pagsasaayos ng sa tumagas ng linya ng ammonia sa naturang planta.
Sa kaugnay na balita, hinikayat ng pamahalaang barangay ang mga residente na magsuot muna ng face mask hanggat hindi pa ganap na nawawala ang masangsang na amoy ng ammonia.
