HINDI malayong malaglag sa pwesto ang kontrobersyal na Bamban Mayor Alice Guo bunsod ng napipintong paghahain ng quo warranto petition ng Office of the Solicitor General.
Ayon kay Solicitor General Menardo Guevarra, partikular na kakalkalin ng OSG ang koneksyon ni Guo sa illegal POGO operation sa nasasakupang bayan sa lalawigan ng Tarlac.
Pasok din sa sisilipin ng OSG ang kaduda-dudang pagkatao ng mayor na di umano’y espiya ng China sa bansa.
Batay sa paliwanag ng Korte Suprema, karaniwang inihahain ang quo warranto petition para alamin at timbangin ang karapatan o kawalan ng karapatan ng isang indibidwal sa anumang pwesto sa gobyerno.
Una nang kinuwestyon ni Senador Risa Hontiveros ang Filipino citizenship ni Guo na walang maipristang patunay sa pagiging Pilipino.
Gayunpaman, iba ang paniwala ni Manila Rep. Bienvenido Abante. Aniya, di kailangan maghain ng quo warranto petition laban kay Guo dahil saklaw sa mandato ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang pagsipa sa pwesto ng mga bulilyasong local officials.
“Pwede naman tanggalin ng DILG [si Guo] kung kinakailangan… at kung may batayan. Hindi dapat i-delay ang pagtanggal nito at dapat lamang gumawa na ng paraan para itong mayor ng Bamban ay matanggal na para di na pamarisan ng iba,” ani Abante.
