Ni ESTONG REYES
MATAPOS pagtibayin sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara, walang katiyakang makakalusot sa Senado ang kontrobersyal na panukalang magbibigay-daan sa diborsyo sa bansa.
Sa isang panayam sa radyo, hayagang kinontra ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang divorce bill.
“Ayoko pong mangyari na katulad ng Las Vegas, di ba yung tinatawag nilang Las Vegas wedding, kung saan sige, magsyota tayo ngayon in love ako. Sige, pakasal tayo. Tapos sa susunod lang, pag hindi naman magandang samahan natin, mag-divorce na tayo. Di ba?” pahayag ni Zubiri.
Para sa lider ng Senado, hindi angkop para sa isang bansang katoliko ang mga batas na sisira sa relasyon ng pamilya.
“Yan ang nangyayari sa Amerika ngayon. Land of divorce, with due respect sa mga taga-Estados Unidos. Dysfunctional, dysfunctional po ang mga pamilya nila po,” dagdag ni Zubiri, kasabay ng mungkahi para sa mas malalim na pag-aaral.
“Alam ko yung majority floor leader, very against po siya d’yan dahil syempre Jesus is Lord yan. Isang pastor po si Sen. Joel Villanueva. Nirerespeto natin natin ang posisyon dito sa usapin na ito. So let’s study it further,” pangwakas na pananalita ng mambabatas.
