Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
“KAPAG hindi sila umattend, isa lang ang mangyayari!” Ito ang matapang na tinuran at binitiwang babala ni House Committee on Dangerous Drugs Chairman at Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers hinggil sa posibilidad ng hindi pagsipot ng mga imbitading resource persons sa pagdinig ng Kamara.
Partikular na tinukoy ni Barbers si former Presidential Economic Adviser Michael Yang na pinaniniwalaang may-ari ng bodega kung saan tumambad ang P3.6-bilyong halaga ng droga sa isang operasyon sa Mexico, Pampanga.
“We will issue a show-cause order and if they refuse and ignore the show-cause order, we have no other recourse but to issue a warrant against them,” ang sabi pa ni Barbers sa pagharap niya sa daily press briefing ng Kamara.
“Yung iba kasing naimbitahan namin, limang beses na namin inimbitahan at ngayon ay sila ay subject of arrest. And hopefully, yung ating PNP, PDEA at yung NBI, madala sila bukas sa aming hearing, which will make it more exciting,” dugtong niya.
Sa naunang pagdinig, lumutang ang pangalan ni Yang at iba pa na nagmamay-ari ng warehouse na pinaniniwalaang ginagamit ng isang sindikato bilang imbakan ng droga.
Kasabay ng pakiusap ni Barbers sa pagdalo ng mga resource persons, nilinaw ng kongresista na ang paanyaya ay hindi indikasyon ng sangkot na sila sa multi-billion drug bust.
“Ang aming panawagan sa kanila ay pumunta sila, mag-attend sila ng hearing, magbigay linaw doon sa issue na kung saan dawit ang kanilang kumpanya o kinasasangkutan nila dun sa usapin ng droga,” giit pa ng Mindanaoan lawmaker.
“Wala pa kaming inaakusahan. At kapag hindi sila umattend, siguro mayroong maco-conclude ang ating mga kasamahan. Meron tayong kasabihan, ‘flight is indicative of guilt.’ Pagka ganun, baka mag-iba yung committee report at baka doon patungo ang aming susulatin na committee report,” dugtong pa niya.
Si Yang ay sinasabing malapit sa dating Presidente at hinihinalang sangkot umano sa bigtime drug trafficking. Dawit din si Yang sa P8-billion Pharmally scandal.
“In-invite namin si Mr. Yang upon the motion of Congressman Dan Fernandez at Congressman Caraps Paduano, dahil sa rason na may mga na-discover kami na mga kumpanya na nirehistro na kasama dito yung mga incorporators nung Empire 999,” paglalahad ni Barbers.
“Ang aming theory ay nagkakaroon ng mga shell companies na ino-organize and they intertwine. Ibig sabihin, yung incorporator sa company A ganun din yung incorporator sa B, sa C, sa D, sa E, hanggang sa nakita natin na mayroong pattern,” sabi pa niya.
“Dahil dito sa pagtatanong ng ating mga kasamahan sa komite, nanawagan na magkaroon ng imbitasyon doon sa mga mga incorporators ng mga kumpanyang ito, kasama diyan si Mr. Lincoln Ong and si Mr. Michael Yang,” pagtatapos ni Barbers.
