HINDI pa man tuluyang nakakalayo mula nang lisanin ang paliparan, agad na bumagsak ang isang four-seater Cessna plane sa karagatan sa lungsod ng San Fernando sa lalawigan ng La Union.
Sa ulat ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), sugatan ang dalawang sakay ng Cessna 172 aircraft na may body number RP-C6923.
Mabilis naman ang pagtugon ng mga Philippine Coast Guard rescue team sa pinagbagsakang bahagi ng karagatan kung saan sinagip at agad na isinugod sa pagamutan ang instructor pilot at estudyanteng sakay ng eroplano.
Sa imbestigasyon, isang tawag ang natanggap ng San Fernando Airport para sa emergency landing ng Cessna plane ilang saglit matapos lumipad mula sa nasabing paliparan.
Gayunpaman, hindi na nagawang imaneobra ang eroplano na bumagsak na sa karagatan.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon sa sanhi ng plane crash.
