PAGSAPIT ng Hunyo, hindi na muna sisingilin ng toll fee sa mga expressway ang tinatayang 900 trak na may kargang pagkain, ayon sa Toll Regulatory Board (TRB).
Gayunpaman, nilinaw ng TRB na tatagal lang ng tatlong buwan ang libreng daan sa expressway na ipatutupad sa bisa ng rebate program ng naturang ahensya ng pamahalaan, katuwang ang Department of Finance (DOF), Department of Transportation (DOTr), at Department of Agriculture (DA).
Sa ilalim ng nasabing programa, tatanggap ang mga truck operators ng lingguhang rebate o cashback na katumbas ng toll increase gamit ang radio frequency identification o RFID.
Paglilinaw ni TRB Executive Director Alvin Carullo, kailangan muna magparehistro sa programa ang mga operator ng trak na dumadaan sa iba’t ibang toll roads para maghahatid ng mga produktong agrikultura.
Pasok sa programa ng TRB ang North Luzon Expressway, Subic-Clark-Tarlac Expressway, R-One Expressway at R-One Expressway Extension ng Manila-Cavite Toll Expressway, habang P30 naman per transaction sa Muntinlupa-Cavite Expressway, at South Luzon Expressway.
