HANDA na ang Department of Justice (DOJ) sa paglabas ng mandamiento de arresto na ilalabas ng International Criminal Court (ICC) laban kay former President Rodrigo Duterte kaugnay ng kasong isinampa ng mga naulila ng biktima sa madugong giyera kontra droga ng nakaraang administrasyon.
Ayon kay DOJ Undersecretary Mico Clavano, nasa huling bahagi ng pagrerebisa ang kagawaran sa legal brief kung saan nakasaad ang mga pwedeng gawin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa sandaling dumating ang ICC sa bansa para dakpin si Duterte.
“Meron na po tayong first draft of the legal brief which will be vetted by the Undersecretaries and the Secretary himself so that we will not forget anything. Wala po tayong anggulo na hindi titingnan,”ayon kay Clavano na tumatayong tagapagsalita ng departamento.
Ayon kay Clavano, target ng legal brief bigyan ng komprehensibong impormasyon ang Pangulo para mas maunawaan ang sitwasyon at posibleng aksyon sa inaabangang paglabas ng ICC warrant laban kay Duterte.
Paglilinaw ng opisyal, walang pagbabago sa posisyon ng gobyerno na aniya’y tutol pa rin sa aniya’y panghihimasok ng ICC sa umiiral na hustisya sa bansa.
“Wala naman po nagbago… yun na nga lang, may awareness po tayo na pwedeng magbago. And we have to be prepared for all of this. Tayo ay Department of Justice and as any legal team would tell you, you really have to consider all the options. May plan A ka, may plan B, all the way to Plan Z,” pagtatapos ng DOJ spokesperson.
