WALANG puwang ang aregluhan sa barangay para sa mga kasong pang-aabuso, pananakit at lahat ng uri ng exploitation sa mga bata, ayon sa Department Interior and Local Government (DILG).
Babala ni Local Government Secretary Benhur Abalos, sasampahan ng patong-patong na kaso ang sinumang opisyal o kawani ng barangay na mapapatunayan na sangkot sa aregluhan sa mga kaso ng Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children (OSAEC) at Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials (CSAEM).
Sa halip na aregluhin sa barangay, inatasan ng DILG chief ang mga barangay chairman dapat na iakyat ang kaso sa pulis para sa pormal paghahain ng demanda sa piskalya.
Pagtitiyak ni Abalos, tututukan ng DILG ang mga kasong isasampa laban sa aniya’y barangay officials na makikipag-areglo at nagpabaya sa kasong may karampatang parusang habambuhay na pagkabilanggo at multang hindi bababa sa P2 milyon.
Mahigpit aniya ang utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na labanan ang lahat ng uri ng pang-aabuso sa mga bata gamit ng mga makabagong teknolohiya.
Sa datos ng DILG mula 2018 hanggang 2024, nasa 214 na kaso ang naiulat na OSAEC, 98 ang ginawang operasyon, 413 na bata ang na-rescue, 38 na mga salarin ang nahatulan ng husgado habang 88 naman ang arestado.
