Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
SA hangaring tugunan ang kalbaryo ng mga maralita, umapela si House Deputy Majority Leader Rep. Erwin Tulfo sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) na isama ang libreng paggamit ng makabagong automated peritoneal dialysis machine para sa mga maralitang pasyenteng may chronic kidney disease (CKD).
“Itong automated peritoneal dialysis (APD) ang siguradong magpapagaan sa buhay ng milyon-milyon nating kababayan na nagda-dialysis lalo na yung mga pasyente na nagtatrabaho. Pwedeng-pwede pa rin magtrabaho ang mga pasyente, maari kasi itong gamitin kahit nasa bahay lamang ang pasyente at kahit natutulog lang,” pahayag ni Tulfo.
“Hindi na kailangang mag-absent sa trabaho ang dialysis patient at gumastos ng pamasahe papunta sa ospital o dialysis center para sa kanilang lingguhang dialysis,” dagdag pa ng ACT-CIS partylist congressman.
Para sa ranking House official, malaking kaluwagan ng mga maralitang Pilipino ang libreng paggamit ng APD na batay sa mga pag-aaral at epektibong kalasag kontra kidney cancer.
Sa ilalim ng House Resolution 1789 na inihain ni Tulfo, nakasaad na ang CKD ay isang mabigat na pasanin ng milyon-milyong Pilipino.
Subalit ang mabigat na pasanin aniya ay mababalitan ng pag-asa sa bisa ng dialysis treatment, partikular ang hemodialysis at peritoneal dialysis (PD) na tampok sa larangan ng medical science ng makabagong panahon.
Bukod kay Tulfo, kasama rin sa may-akda n HR 1789 sina ACT-CIS partylist Reps. Edvic Yap at Jocelyn Tulfo; Benguet Rep. Eric Yap at Quezon City 2nd District Rep. Ralph Wendel Tulfo.
Kumbinsido ang mga may-akda na di hamak na mas malaking tulong ang peritoneal dialysis kumpara sa hemodialysis, kung saan mas magaan at may kalayaan ang pagkilos ng mga pasyente at posible ring mas maging maayos ang kanilang cardiovascular health.
“Automated peritoneal dialysis (APD) is a further advancement in PD technology, utilizing automated machines to perform exchanges throughout the night while the patient sleeps, reducing treatment burden and improving sleep quality,” anila.
Lumabas din, anila, sa pag-aaral na ang APD ay maaaring makapagpabuti sa mga resulta ng pasyente kumpara sa manual PD, kabilang na ang mas mababang rate ng peritonitis, mas maayos na blood sugar, at pinahusay na kabuuang kalagayan ng pasyente.
Gayunpaman, wala sa PhilHealth coverage ang APD.
“Expanding PhilHealth coverage for APD would ensure greater access to this life-changing treatment, promoting equity and reducing the financial burden on patients
and their families,” ayon sa resolusyon.
“Increased utilization of APD would not only benefit patients but also potentially alleviate the strain on healthcare facilities currently overwhelmed by high volumes of hemodialysis patients,” dagdag pa nito.
Hinimok ni Tulfo ang Department of Health (DOH) na bumuo at magpatupad ng isang pambansang programa upang itaguyod ang paggamit ng APD bilang isang opsyon sa paggamot para sa mga pasyenteng may CKD sa Pilipinas at para sa PhilHealth na suriin at palawakin ang saklaw para sa APD upang matiyak na ito ay katumbas ng saklaw na binibigay para sa hemodialysis.
