PARA kay Senador Bong Go, pagsasayang lang ng panahon ang kasong plunder na inihain ni dating Sen. Antonio Trillanes IV sa Department of Justice (DOJ) laban sa kanya at kay former President Rodrigo Duterte.
Gayunpaman, naniniwala si Go na napapanahon nang tuldukan ng husgado ang aniya’y paulit-ulit na alegasyong sa tuwing sasapit ang panahon ng eleksyon.
“I have yet to see the verified complaint. But, since this is essentially the same accusation they hurled against me before, I categorically deny the allegations against me and former President Rodrigo Duterte,” wika ni Go sa isang pahayag.
“Nevertheless, I welcome these moves to finally put an end to these often-recycled issues against us. Mabuti nang silipin sa mga akusasyong ito, may irregularity ba talaga? May naging transaksyon ba na disadvantageous sa government? May nanakaw ba?,” dugtong ng senador.
Ayon kay Go, marapat na rin aniyang busisiin ang mga isinagawang pagsusuri ng Commission on Audit (COA) kaugnay ng mga tinukoy na transaksyon ni Trillanes.
“At may linkages ba sa akin na nagsasabing nakinabang ako sa anumang transaksyong ito? COA can find out. And, if there is, it is for COA to file the necessary charges.”
Inalmahan din ng mambabatas ang patutsada sa yaman ng pamilya, kasabay ng giit na hindi niya kailanman pinaboran ang sinumang kaanak para makapag negosyo sa gobyerno.
“For the record, wala pa ako sa mundong ito ay meron nang negosyo ang pamilya ko. Ang sinisigurado ko, hindi ako nakinabang at hindi nakinabang ang pamilya ko sa pagiging taong gobyerno ko. Kahit ipagtanong pa ninyo, ni hindi makalapit ang mga kamag-anak ko sa akin—kahit ang sarili kong tatay at half-brother—para ilakad ang anumang proyekto o kontrata sa gobyerno,” paliwanag ng mambabatas na nasa likod ng Malasakit Centers.
“Ang sabi ko nga noon, hindi ako kailanman nakialam at never akong nag-impluwensya sa anumang transaksyon, kontrata o bidding ng gobyerno.”
Para kay Go, malinaw ang adyenda ni Trillanes na aniya’y biglang sumusulpot at gumagawa ng eksena sa tuwing may nalalapit na halalan.
“Sa totoo lang, lumang tugtugin na ito. Taong 2018 pa ang akusasyon na iyan. Ni-recycle pa nila noong 2021. Pero wala pa rin siyang napatunayan. Ngayong papasok na naman ang halalan sa 2025, nag-iingay na naman siya upang mapag-usapan. Gusto lang nila kaming kulayan ng itim para sila ang pumuti. Tatapunan ka nila ng putik para magmukha kang marumi at sila ay magmistulang malinis.”
“Naging tradisyon na ng iba ang manira tuwing nalalapit ang eleksyon. Parang negosyo na nila iyan para kumita o makilala. Ang tanong, sino kaya ang iba pang nasa likod ng black ops niyang ito? Baka ang dapat na silipin ay ang mga nakapaligid sa kanya,” dagdag pa niya.
Paglalarawan ni Go kay Trillanes, isang “attack dog” na sunud-sunuran sa utos ng amo kapalit ang pangako.
“Alam naman ng taumbayan na isang attack dog at tamad si Trillanes. ‘Yan ang totoong corruption! Hayaan na nating ang taumbayan ang humusga,” pagtatapos ni Go.
