SAMPU katao – kabilang ang isang sanggol – ang napaulat na namatay bunsod ng malakas na pagsabog sa likod ng pumalpak na “controlled disposal” ng mga kumpiskadong paputok sa loob ng pasilidad ng Philippine National Police (PNP) sa Barangay Cabatangan sa lungsod ng Zamboanga.
Batay sa impormasyong nakalap ng Saksi Pinas, dakong alas 5:30 ng hapon nang yanigin ng ubod-lakas na pagsabog ang Barangay Cabatangan kung saan 10 katao ang binawian ng buhay habang patuloy na ginagamot sa iba’t-ibang pagamutan ang hindi pa matukoy na bilang ng mga sugatan.
Nagtamo rin ng pinsala simbahan ng Santo Pio, ang Mosaic sa pook-dalanginan ng Mampang, ang makasaysayang Palacio del Sur, mga pribadong establisyemento, dalawang trak ng bumbero at mga kabahayan sa nabanggit na barangay.
Una nang nag-anunsyo ang Zamboanga PNP kaugnay ng isasagawang “controlled disposal” ng mga paputok na nasamsam sa pabrika ng isang Jojie Chua.
Bago pa man nangyari ang bulilyasong “controlled disposal,” binulabog na rin ng pagsabog ang pabrika ng paputok sa Barangay Tetuan sa nasabing lungsod. Lima ang ang kumpirmadong patay habang 38 ang sugatan sa nasabing insidente.
Salaysay ng ilang residente, Hulyo 7 itinakda ng Zamboanga City PNP ang “controlled disposal,” subalit hindi natuloy sa di pa masabing kadahilanan. Kinabukasan, itinuloy ang pulisya ang naantalang pagdidispatsa ng mga naisalbang paputok mula sa pabrika ni Chua.
Wala pang pahayag ang Zamboanga PNP sa pumalpak na “controlled disposal.”
