Ni EDWIN MORENO
DALAWANG araw makaraang hirangin bilang hepe ng Davao City Police Station, agad na sinibak ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Rommel Marbil si Lt. Col. Lito Patay makaraang malantad ang papel na ginampanan ng naturang opisyal sa madugong giyera kontra droga noong nakalipas na administrasyon.
Ayon kay Major Catherine dela Rey na tumatayong tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO) 11, nagtalaga na ng kapalit ni Lt. Col. Patay, na di umano’y kabilang sa mga pulis na bitbit ni former President Rodrigo Duterte sa Maynila para sa implementasyon ng madugong giyera kontra-droga.
Ang bagong hepe ng Davao City Police Station – si Regional Information and Communication Technology Management Division Police Col. Sherwin Butil.
Gayunpaman, nilinaw ni dela Rey na di pa ganap ang pag-upo ni Butil. Aniya, hinihintay pa ang official order mula kay PRO 11 Director Police Brig. General Nicolas Torre III.
Dalawang araw na ang lumipas nang sipain sa pwesto ni Torre ang Director ng Davao City Police Office kasama ang 19 na station commanders bunsod ng napaulat na cover-up sa mga naganap na patayan at panggagahasa sa naturang lungsod.
Sa datos ni Torre, lumalabas na hindi kasama sa mga sinumiteng ulat sa nakalipas na anim na buwan ang isang patayan at dalawang kaso ng rape na nagaganap kada linggo.
