MALIBAN kay Senador Bong Go, laglag sa tinaguriang Magic 12 ang tatlong iba pang reelectionist senators sa pinakahuling Pahayag senatorial survey na pinangasiwaan ng Publicus Asia.
Kabilang sa mga nawala si Magic 12 sina Senador Ronald “Bato” dela Rosa, Francis Tolentino at Bong Revilla na una nang napabalitang tatakbo ulit sa nalalapit na 2025 midterm election.
Sa pagbagsak ng popularidad ng mga incumbent senators, umarangkada naman ang pangalan ni Dr. Willie Ong na nakasungkit ng 39 percent approval rating.
“Following the trend observed in previous PAHAYAG survey releases, incumbent re-electionists have seen a decline in their approval ratings, though they still maintain positions within the top 12,” saad sa isang bahagi ng ulat ng Publicus Asia.
Sa talaan ng mga posibleng manalo, nakapasok ang pangalan ng dalawang pinakamataas na opisyal ng gobyerno noong nakalipas na administrasyon.
“Notably, undecided voters are on the rise, reflecting voters hesitant to decide whether they are pro-administration or pro-opposition,” ayon sa Publicus.
Bukod kay Ong, pasok sa Magic 12 sina ACT-CIS partylist Rep. Erwin Tulfo na nakakuha ng 33 percent approval rating. Hindi kalayuan kay Tulfo si former President Rodrigo Duterte na umani ng 32% approval rating.
Pasok din sina dating Senador Panfilo Lacson (32%) habang nakakuha naman ng 29% sina dating Senate President Vicente Sotto III, reelectionist Senador Bong Go, at dating Manila Mayor Isko Moreno.
Bagamat una nang nagsabing walang planong tumakbo bilang senador, nakakuha pa rin ng 28% si dating Vice President Leni Robredo na napabalitang mas kursunadang kumandatong mayor sa lokalidad na dating hawak ng yumaong asawa – si dating Interior and Local Government Secretary Jesse Robredo.
Kasunod ni Robredo si reelectionist Senator Imee Marcos na 26% at dating senador Francis Pangilinan na nakasungkit ng 25%. Nasa buntot naman ng talaan sina Defense Secretary Gilbert Teodoro and reelectionist Senator Pia Cayetano na kapwa nakapagtala ng 23%..
Kapansin-pansin na wala sa talaan sina reelectionist Senators Ronald “Bato” Dela Rosa, Bong Revilla at Francis Tolentino.
