MATAPOS ayunan ng Department of Budget and Management (DBM) ang hirit na pondo, inihayag ng Department of Justice (DOJ) ang paghahanap ng 178 bagong public attorneys na magtatanggol sa mga pobreng akusadong walang kakayahan magbayad sa abogado.
Sa isang pahayag, pinasalamatan ni Justice Secretary Crispin Remulla ang DBM sa aniya’y maagap na tugon sa hiling na pondong naglalayong palakasin ang Public Attorneys Office (PAO).
Ayon kay Remulla, napapanahon nang tugunan ang suliranin ng mga maralitang nahaharap sa mga kaso sa husgado – at ang pagkuha ng karagdagang abogado aniya’y makakatulong sa pasanin ng mga pobreng akusado.
Gagamitin aniya ang naturang pondo para sa 122 posisyon ng Public Attorney 1 at 56 para sa kategorya ng Public Attorney 2.
